Hindi ko alam kung bakit feeling ko kailangan kong "magsalita". Basta, basahin niyo ito. Ito ang aking pinaniniwalaan.
Ano ba talaga ang nangyayari sa bansa natin? Hindi ba nila nakikita na magiging maayos ang kalagayan ng ating bansa kung tumahimik at magtago ang mga nag-iingay na mga taong pumipilit pabagsakin si PGMA? Huwag ninyong itanggi na kahit papaano naging mabuting pangulo si GMA. Napataas niya ang halaga ng Piso kontra Dolyar. At tingnan niyo ngayon, mukhang babalik na naman sa dati ang halaga ng Piso. At saan sinisisi ito? Sa pagdeklara ng pangulo ng "State of National Emergency". Ngunit, bakit nga naman niya ito idedeklara diba? Eh mukha namang hindi GAANONG malala ang sitwasyon natin. Parang gusto lang niya ng kapangyarihan na mag take-over sa mga pribado at publikong mga establishments.
PERO HINDI ganoon eh. Sinabi niya na nagkaroon ng pagtangkang magkaroon ng isa rehimen na taliwas sa gobyerno kagabi. Hindi ba sapat iyon para magdeklara ng "State of Emergency"? Hindi ba't nabalitaang may nagbabalak magkaroon ng kudeta kaninang umaga? At ayon sa mga "martial law babies", malala ang kondisyon ng buong bansa noong panahon ng martial law ni Marcos. Talagang biglang yumayanig ang sahig dahil sa mga pinapasabog sa Camp Aguinaldo at sa iba pang lugar. Naalala ko pa nga ang kwento sa 'kin ng isang kamag-anak. Tumatakbo pa nga sila dahil literal nagsisipagliparan ang mga yerong bubong ng mga bahay.
At ngayon, nagagalit ang oposisyon at ilang militanteng grupo dahil sa pagdeklara ng Pangulo ng "State of Emergency". Ayon daw sa kanila, nilalabag ng administrasyon ang kalayaan nilang ipag gunita ang celebrasyon ng anibersaryo ng Edsa I. Maaaring magmukhang ganoon ang kalagayan. Ngunit hindi ba nila nakikita na hindi laging tama kung ipagpipilitan nila ang kanilang mga karapatan? Naalala ko tuloy ang pinag-aaralan namin ngayon tungkol sa Intellectual Revolution. Mukhang kailangan talaga natin magkaroon ng "social contract". Kailangan natin isakrapisyo ang ilan sa mga karapatan natin upang matamo natin ang kapayaan at kaayusan sa bansa.
Eh kung titingnan mo, rally dito, rally doon. Hindi ba nila nakikita na SAWA na ang burgis sa mga ganyan? Tingan niyo noong panahon ni Marcos. Talagang umabuso siya sa kanyang kapangyarihan. Talagang halata ang pagdadaya niya sa Snap Election para lamang manatili sa pwesto niya bilang pangulo. Madaming pang-aabusong naganap at iyon ang nagbukas sa galit ng mga Pilipino lalo na ang mga burgis na pamilya. Maaaring ang masa ang may pinakamalaking porsyento ng buong Pilipino pero hindi lahat sa kanila ay mga edukado. Madalas binabayaran sila ng mga pulitiko para pumunta sa mga rally at welga. Oo, halata naman na apektadong apektado ang mga mahihirap sa lahat ng pangyayari sa ating bansa. Pero kung titingnan mo, wala silang magagawa, ang mga burgis ang naghahawak sa magiging kalagayan ng ating bansa.
Tingnan niyo naman ang nangyari sa Edsa II. Hindi ba't karamihan sa mga nakipag people power ay mga kabataan? At nasaang antas sila? Hindi ba't mga burgis sila? At napatalsik nila ang Dating pangulong Estrada. Nakita ni Marcos at ni Estrada na hindi na sila suportado ng mga burgis na pamilya kaya sila bumaba at umalis sa pwesto.
Tingnan niyo rin ang tinatawag nila na Edsa III RAW. Successful ba sila? Diba hindi? Hindi sila sinoportahan ng mga middle class. Walang dating ba. Walang pakialam ang bayan sa ginawa nila dahil wala naman silang magagawa. Halos lahat sila masasabi nga nating mga bayaran. Bigyan mo lang ng pang kain nila sa iilang araw, pupunta sila doon. Tila nga hindi nila lubusang naiintindihan kung bakit sila nandoon. Makikita nga paminsan sa mga news coverage na para bang scripted ang kanilang mga sinasabi. Tsk.
Hindi tamang gamiting dahilan ang Edsa I para sa mga rally rally ngayon. Hindi tamang gamiting dahilan ang Edsa I para sila'y makibaka at ulitin ang mga nangyari noon. Bakit? Kasi hindi na aplikado ang mga paraan tulad ng pagwewelga sa mga panahon natin ngayon. Iba ang panahon ni Marcos sa panahon ni Estrada sa panahon ni Arroyo. Hindi maaaring gawing sagot sa LAHAT ng problema ang isang paraan na naging epektibo sa isang pangyayari. Kailangan magbago ang bayan. At maaari ring magbago ang gobyerno para sa bayan. Pero hindi dapat palaging ganoon. Kung magkaganon man, tila bang spoiled brat ang magiging tingin sa bansang Pilinas. Hindi lahat ng bagay ay maaaring baguhin para lang sa kanila. Kailangan nilang magtiis at magsakrapisyo pero hindi sa puntong inaabuso na tayo. Kailangang magtulungan ang gobyerno at ang bayan. Hindi lang dapat ang gobyerno ang gagawa ng pagbabago. Hindi lang dapat ang bayan ang magbago. Dapat pareho. Anong mangyayari sa ating bansa kung walang kooperasyon sa pagitan ng dalawang sektor na ito? Anong mangyayari sa ating bansa kung lahat ng opisyal sa gobyerno ay gagawin ang kanilang gusto kahit na sa pagnakaw sa pambansang treasury? Ano ang mangyayari sa atin kung lahat ng mamamayan sa bansa ay nagproprotesta dahil hindi nila nakukuha ang kanilang mga gusto. Wala. Kahit isang katiting. Wala. Bakit? Kasi walang kooperasyon. Ikumpara na lamang niyo ang kalagayan natin sa isang relasyon. Hindi ito one-way na relasyon. Walang mangyayari kung ganon. Isa ang magsasakrapisyo habang ang isa ang nag hahappy happy. Kailangan maging two-way ito. "It's a give and take relationship".
Diyan lamang uunlad ang ating bansa. Huwag na natin paabutin sa puntong kakalat ang dugo sa mga kalsa, sa puntong marami ang bigla na lamang mawawala, sa puntong maraming pagsabog ng mga armas ang magaganap at sa puntong doon lamang magkakaisa ang bayan. Bakit kailangan pa natin hintayin ang isa pang "batas militar",ang isa pang "Marcos dictatorship", at isa pang People Power Revolution upang magkapit bisig bilang isang bayan?
Tama nga naman ang sinabi nila na "hindi kailangan daanin sa dahas upang malutas ang isang problema" pero hindi rin tama na abusuhin natin ang kalayaan natin.
Freedom does not mean you can do anything you want. Freedom has limitations just like anything else. Freedom is doing anything MORAL you want for the benefit of ALL and not for yours alone.
citius, altius, fortius!

1 Comments:
*titig*
GO CUBBY! :)
Post a Comment
<< Home